
Idinaos noong Mayo 11, 2026 ang ika-37 Regular Session ng 12th Sangguniang Bayan ng Paranas, Samar sa Municipal Session Hall sa pangunguna ni Atty. Eunice U. Babalcon bilang Presiding Officer.
Sa committee reports, tinalakay at inaprubahan ng konseho ang Committee Report No. 08-3 kaugnay ng “Anti-Junk Food Ordinance” at Committee Report No. 10-2 hinggil sa “Anti-Smoking Ordinance” ng bayan. Binigyang-diin sa mga ordinansang ito ang pagsusulong ng mas malusog na kapaligiran para sa mamamayan, lalo na sa mga kabataan.
Isa sa pinakamahalagang natalakay sa unang pagbasa ay ang Proposed Ordinance No. 120 o ang “Paranas Sustainable Tourism and Cultural Heritage Code of 2026” na iniharap ni Municipal Tourism Officer Jansenn Amper. Tinalakay dito ang pangangailangan ng masusing konsultasyon sa iba’t ibang ahensya gaya ng DENR, DOT, Samar Island Natural Park, at mga barangay upang matiyak ang wastong pamamahala, proteksyon, at pangangalaga sa mga tourism at cultural heritage sites ng bayan.
Napag-usapan din ang implementasyon ng environmental fees, pagbuo ng Barangay Committees on Environment and Tourism, at ang kahalagahan ng pagpapalakas ng cultural preservation sa mga tradisyong gaya ng Three Kings celebration at Rayhak Festival. Sa huli, ini-refer ang panukalang ordinansa sa Committee of the Whole para sa mas malalim na pag-aaral at konsultasyon.
Samantala, naaprubahan sa ikalawang pagbasa ang Municipal Ordinance No. 117 na tumutukoy sa “Rice Seeds and Fertilizer Recovery for Disaster and Nutrition Support Program” at Municipal Ordinance No. 119 o ang “Anti-Scamming Ordinance” ng bayan.
Sa iba pang usapin, tinalakay rin ang scholarship program ng Socio-Civic Projects Fund (SCPF), mga nalalapit na aktibidad ukol sa renewable energy planning, at ang pagbisita ng mga delegado mula Singapore upang obserbahan ang renewable energy initiatives ng Paranas matapos maipasa ang Local Energy Code Ordinance.
Inanunsyo rin ni Vice Mayor Babalcon ang preparasyon para sa nalalapit na pagdiriwang ng Independence Day at Fiesta activities ng munisipyo. Nagbigay rin ng pagbati ang konseho sa lahat ng mga ina bilang pagdiriwang ng Mother’s Day at kinilala ang mahalagang ambag ng kababaihan sa pamumuno at pag-unlad ng Paranas.
