
AGOSTO 10, 2026 — Tinututukan ng Pamahalaang Bayan ng Paranas ang mga hakbang upang mapigilan ang patuloy na pagdami ng kaso ng Chikungunya sa bayan, kasunod ng isinagawang pagpupulong kasama ang mga barangay na may naitalang kaso ng sakit.
Umabot na sa 65 ang kabuuang naitalang kaso ng Chikungunya sa Paranas hanggang Agosto 8, 2026, ayon sa Municipal Health Office (MHO). Gayunman, sinabi ng tanggapan na maaaring mas mataas pa ang aktuwal na bilang dahil may mga residenteng hindi nagpupunta sa Rural Health Unit (RHU) kahit nakararanas ng mga sintomas.
Inilahad sa pagpupulong na hindi sapat ang fogging lamang upang mapigil ang pagdami ng lamok na nagdadala ng Chikungunya. Hinikayat ang mga barangay na magsagawa rin ng regular na search and destroy operations upang matukoy at maalis ang mga posibleng pamugaran ng lamok.
Nagbigay naman si Municipal Health Officer Dr. Francis Langi Jr. ng briefer tungkol sa Chikungunya, kabilang ang mga sintomas, paggamot at pangangalaga, mga paraan ng pag-iwas, at iba pang mahahalagang impormasyon hinggil sa sakit.
Hinimok ni Dr. Langi ang mga opisyal ng barangay na magsagawa ng lingguhang search and destroy sa mga lugar na maaaring pamugaran ng lamok, partikular sa mga lumang gulong, alulod, at iba pang lalagyan o bagay na maaaring pag-ipunan ng tubig.
Hiniling din niya ang suporta ng mga barangay sa pagpapatupad ng fogging operations sa mga hotspot areas, gayundin ang aktibong pagmomobilisa sa mga barangay health workers (BHWs) at barangay sanitary inspectors (BSIs) upang makatulong sa information dissemination at pagpapatupad ng mga hakbang laban sa pagdami ng lamok.
Samantala, sinabi ng pamahalaang bayan na maaaring magdeklara ng Chikungunya outbreak sa Paranas kung patuloy na tataas ang bilang ng mga kaso, kaya naman patuloy na hinihikayat ang mga barangay na paigtingin ang kanilang preventive measures.
Sa pamamagitan ng koordinasyon ng Municipal Health Office at mga barangay, layunin ng pamahalaang bayan na maagapan ang pagkalat ng sakit at mapalakas ang community-level response bago pa lumala ang sitwasyon.
Binigyang-diin din sa pagpupulong na mahalaga ang sama-samang pagkilos ng pamahalaang bayan at mga barangay upang maputol ang breeding cycle ng lamok at maprotektahan ang kalusugan ng komunidad.






