
Sa patuloy na layunin ng Lokal na Pamahalaan ng Paranas na mailapit ang mga pangunahing serbisyo sa bawat barangay, dinala ang iba’t ibang programa at serbisyo ng mga tanggapan ng LGU Paranas sa mga residente ng Barangay Casandig I at Casandig II sa pamamagitan ng Adlaw Para Ha Barangay: Serbisyo Diretso Ha Tawo noong Agosto 19, 2026.
Pinangunahan ni Mayor Elvira Babalcon ang aktibidad na ginanap sa Covered Court ng Barangay Casandig II. Kasama sa aktibidad ang mga department heads at staff ng iba’t ibang tanggapan ng LGU Paranas na nagtulungan upang direktang maihatid sa mga residente ang mga serbisyong pangkalusugan, panlipunan, pang-edukasyon, pangkapaligiran, at iba pang serbisyong pampamahalaan.
Isa sa mga pangunahing serbisyong isinagawa ang MR-SIA o Ligtas Tigdas vaccination campaign, na pinangunahan ng Rural Health Unit (RHU) Paranas. Bahagi ito ng patuloy na kampanya upang maprotektahan ang mga kwalipikadong bata laban sa tigdas at rubella. Nagbigay rin ang RHU ng libreng konsultasyon upang matugunan ang mga pangangailangang pangkalusugan ng mga residente.
Para naman sa mga bata, dinala ang Lakbay Pabasa Program sa tulong ng Paranas Enhanced Distance Learning Education Program. Isinagawa rin ang feeding program bilang bahagi ng mga aktibidad para sa mga kabataan.
Samantala, pinangunahan ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ang Exchange Your Eco-Bricks Program, na nagbigay ng pagkakataon sa mga residente na makilahok sa programa sa pamamagitan ng pagpapalit ng kanilang mga eco-bricks.
Nagbigay rin ng libreng gupit at iba’t ibang serbisyong panlipunan ang mga katuwang na tanggapan. Kabilang sa mga nakilahok ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Local Civil Registrar, Municipal Engineering Office, Municipal Treasurer’s Office, Municipal Assessor’s Office, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at iba pang tanggapan ng LGU Paranas.
Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng LGU Paranas na mailapit ang mga serbisyo ng pamahalaan sa mga komunidad at matiyak na ang mga residente, lalo na ang mga nasa malalayong barangay, ay may mas madaling access sa mga pangunahing serbisyo at programa ng lokal na pamahalaan.
More photos at The Official Facebook Page of The Municipal Government of Paranas, Samar
