
Naging sentro ng talakayan ang mahahalagang programa, polisiya, at isyung kinahaharap ng bayan sa isinagawang People’s Day ng Lokal na Pamahalaan ng Paranas ngayong Hulyo, kung saan nagbigay ng kani-kanilang ulat at presentasyon ang iba’t ibang tanggapan ng munisipyo.
Isa sa mga pangunahing tampok ng programa ang Public Consultation and Hearing sa tatlong mahahalagang panukalang ordinansa na ibinagahi ni Vice Mayor Eunice Babalcon.
Kabilang sa isinailalim sa public consultation at hearing ang Municipal Ordinance No. 120 o Municipal Tourism Code, MO No. 121 o Anti-SOGIE Discrimination Ordinance, at MO No. 123 o ASENSO Program Ordinance of Paranas.
Layunin ng Municipal Tourism Code na higit pang paunlarin at isulong ang turismo sa bayan, habang ang Anti-SOGIE Discrimination Ordinance ay nagtataguyod ng proteksiyon laban sa diskriminasyon batay sa sexual orientation, gender identity, at gender expression sa trabaho, edukasyon, at iba pang pampublikong serbisyo.
Samantala, nilalayon ng ASENSO Program Ordinance na maisabatas ang pagbibigay ng karagdagang panimulang pondo para sa mga pangkabuhayang proyekto ng mga kabataan, kababaihan, persons with disabilities (PWDs), senior citizens, at solo parents sa bayan.
Kaugnay ng Anti-SOGIE Ordinance, ipinaliwanag din ang paglikha ng Anti-Discrimination Desk sa Pamahalaang Bayan ng Paranas bilang mekanismo sa pagtanggap ng mga reklamo.
Binigyang-diin na mahigpit na pananatilihing kumpidensyal ang pagkakakilanlan at iba pang impormasyong may kaugnayan sa mga complainant upang matiyak ang kanilang kaligtasan, privacy, at tiwala sa proseso.
Nagbigay rin ng situational update ang Municipal Health Office ukol sa pagtaas ng kaso ng Chikungunya, kung saan kabilang ang Paranas sa tatlong bayan sa Samar na may pinakamaraming naitalang kaso.
Hinikayat ang publiko na makiisa sa mga hakbang sa pag-iwas tulad ng pagpapanatiling malinis ng kapaligiran at pag-aalis ng mga maaaring pamugaran ng lamok. Inihayag din ang pagsasagawa ng fogging operations upang mapigilan ang patuloy na pagdami ng mga kaso.
Samantala, tinalakay ng Municipal Planning and Development Coordinator (MPDC) ang kasalukuyang sitwasyon ng water crisis sa bayan.
Ibinahagi naman ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang mga isinasagawang hakbang upang matugunan ang kakulangan sa suplay ng tubig, kabilang ang water distribution at mungkahing paggamit ng mga IBC tank.
Nag-ulat din ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) tungkol sa mga naitalang kaso ng Children in Conflict with the Law (CICL) at Chirldern At Risk (CAR) noong 2025. Bilang child representative, ibinahagi ni Alliyah Pedrosa ang mga mungkahi para sa mas epektibong interventions upang mabawasan ang bilang ng CICL at CAR at higit na mapalakas ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa mga paaralan.
Bukod dito, nagbigay rin ng updates at ulat ang Municipal Accounting Office, Municipal Treasurer’s Office, Municipal Assessor’s Office, DILG, PNP, BFP, at AFP hinggil sa kanilang mga programa, serbisyo, at kasalukuyang mga inisyatiba para sa mamamayan.
Sa pamamagitan ng People’s Day, patuloy na pinalalakas ng Lokal na Pamahalaan ng Paranas ang bukas na komunikasyon at pakikilahok ng komunidad sa pagtalakay ng mga isyung may direktang epekto sa kaligtasan, kalusugan, at kapakanan ng bawat Paranasnon.












