Isinusulong ng Sangguniang Bayan (SB) ng Paranas ang mga hakbang para sa professional development ng mga kawani ng pamahalaang bayan at pagpapalawak ng access sa higher education sa mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDA) sa isinagawang ika-49 na regular session ng 12th Sangguniang Bayan noong Agosto 10, 2026, sa SB Session Hall.

Kabilang sa mga pangunahing tinalakay sa unang pagbasa ang Municipal Ordinance No. 126, Series of 2026, o ang “Paranas Workforce Professionalization and Knowledge Transfer, and Return Service Program,” na iniharap ni Hon. Leila Mari Babalcon, Sangguniang Kabataan (SK) Federation President at proponent ng panukala.

Layunin ng panukalang ordinansa na matiyak na mapapakinabangan ng Pamahalaang Bayan ang mga kaalaman at kasanayang nakukuha ng mga empleyado mula sa mga seminar, training, at iba pang professional development activities na pinopondohan ng Local Government Unit (LGU).

Sa ilalim ng konsepto ng return service, inaasahang maibabahagi ng mga kawani ang kanilang mga natutuhan sa kanilang mga kasamahan at magagamit ang mga bagong kaalaman at kasanayan upang makatulong sa pagpapabuti ng mga serbisyo at operasyon ng munisipyo.

Binigyang-diin sa panukala na ang pamumuhunan ng LGU sa professional development ng mga kawani ay nakatuon sa paghubog ng mas mahusay, mas skilled, at mas competent na workforce, habang tinitiyak na naibabalik sa pamahalaang bayan ang benepisyo ng mga training at iba pang oportunidad na ipinagkakaloob sa mga empleyado.

Dagdag pa rito, iniharap sa unang pagbasa ang Municipal Ordinance No. 125, Series of 2026, o ang “Implementation of the Senior GIDA Extension Class,” na naglalayong suportahan ang pagpapatupad ng Northwest Samar State University (NwSSU) Extension Class Program para sa Bachelor of Science in Agriculture major in Horticulture sa Barangay Concepcion.

Ang programa ay bahagi ng Samar GIDA Extension Class Program sa ilalim ng Project Smart Access and Mobile Academic Resources (SAMAR), na naglalayong ilapit ang mga oportunidad sa edukasyon sa mga residente ng Paranas at mga karatig-munisipalidad at mapalawak ang access sa higher education sa mga komunidad.

Matapos ang presentasyon, ini-refer ang panukala sa Committee of the Whole para sa kaukulang pagtalakay.

Kaugnay nito, inaprubahan din ng Sangguniang Bayan ang Resolution No. 79, Series of 2026, na nagbibigay ng pahintulot sa NwSSU na gamitin bilang silid-aralan ang bagong tayong eco-bricks building sa Barangay Concepcion para sa Samar GIDA Extension Class Pilot Cohort.

Samantala, tinalakay rin ng konseho ang Barangay Ordinance No. 016, Series of 2026, ng Barangay Buray na naglalayong magtakda ng kaukulang usage fees at mga regulasyon sa paggamit ng pickleball court sa bagong covered court ng barangay.

Layunin ng mga kaukulang bayarin at regulasyon na makatulong sa maayos na pagpapanatili at pangangalaga sa pasilidad upang matiyak ang maayos at napapanatiling paggamit nito ng mga residente. Ang nasabing ordinansa ay ini-refer sa Committee on Laws, Rules, and Regulations para sa kaukulang pagsusuri.

Sa pamamagitan ng mga panukala at resolusyong tinalakay at inaprubahan, patuloy na tinututukan ng Sangguniang Bayan ang mga hakbang na naglalayong mapaunlad ang kakayahan ng mga kawani, mapalawak ang oportunidad sa edukasyon, at mapahusay ang mga pasilidad at serbisyong nakalaan para sa mga mamamayan ng Paranas.

Views: 44